September 7, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kinansela na ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) ang pagiging miyembro sa Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) ng siyam na kompanyang konektado kina Pacifico at Sarah Discaya, matapos bawiin ang kanilang lisensya mula sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).
Kabilang sa mga nauugnay na kumpanya sa Discaya na ipinagbawal na lumahok sa mga bidding sa mga proyekto ng gobyerno ay ang St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Dev’t Corporation; Alpha & Omega Gen. Contractor & Dev’t Corp.; St. Timothy Construction Corp.; Amethyst Horizon Builders And Gen. Contractor & Dev’t Corp.; St. Matthew General Contractor & Development Corp.; Great Pacific Builders And General Contractor, Inc.; YPR General Contractor And Construction Supply, Inc.; Waymaker OPC at Elite General Contractor And Development Corp.
Ang PhilGEPS ang official online portal ng lahat ng procurement activities ng gobyerno, isang transparent platform para sa mga supplier na mag-bid at procurement naman sa pamahalaan.
Kasama sa New Government Procurement Act (NGPA) ang lisensya ng PCAB sa mga dokumento ng eligibility para sa lisensya ng PhilGEPS.
Ang pagkabigong mapanatili ang isang wasto at updated version ay hahantong sa diskwalipikasyon mula sa pag-bid para sa mga kontrata ng gobyerno.
Sinabi ni PS-DBM Executive Director Gemaries Caong na sa teknikal na paraan, hindi sila maaaring lumahok sa mga proyekto ng civil works maliban kung ang paraan ng pagkuha ay hindi nangangailangan ng PhilGEPS Platinum registration o ng mga lisensya ng PCAB.
