September 8, 2025 | 12:00am
Pati pala aso ay nagkakaroon ng leptospirosis.
At ang latest survivor, ang pinakamamahal na baby ng Global Fashion Icon na si Heart Evangelista na ibinalita niya sa kanyang TikTok video.
Tinawag nga ni Heart ang kanyang mahal na aso na “my leptospirosis survivor.”
“I love you Panda. Thank you Lord ok ka,” sabi niya sa caption.
Well, ang akala ko ay sa tao lang ang ganitong sakit na base sa Centers for Disease Control and Prevention, ang leptospirosis ay sanhi ng bacterium Leptospira na matatagpuan sa kontaminadong tubig tulad ng baha.
Eh lately, laging nagbabaha sa hapon, ilang minutong ulan lang, may baha na sa maraming lugar sa Metro Manila.
Anyway, nang tanungin si Heart kung lumusong ba sa baha si Panda at nagkaroon siya ng nasabing sakit, sinabi niya na baka nahawa niya ito sa nabasa niya halimbawang pantalon o sapatos.
At parang tao rin daw ang epekto ng leptospirosis sa mga hayop na maaaring magkaroon ng ganitong sakit kapag napasukan din ng kontaminadong tubig ang mata, bibig, o sugat.
Kabilang sa mga sintomas ng sakit sa mga hayop ang pagkahilo, kawalan ng gana sa pagkain, pananakit ng kalamnan, at hirap sa pag-ihi. Parang sa tao rin actually.
Mahal na mahal ni Heart si Panda at tulad niya, influencer na rin ito. Ang daming nagpapadala sa kanya ng mga luxury item na ibinibida niya sa social media.
Samantala, ipinagtanggol ng veteran media personality na si Ramon Tulfo si Heart sa mga kumukuwestyon sa kanyang lifestyle.
Post ni Mr. Tulfo, tantanan na si Heart: “Leave her alone!” umpisa ng post niya.
“Heart Evangelista is a billionaire in her own right as she comes from the wealthy Ongpauco clan that owns the Barrio Fiesta chain of restaurants.
“Before she got married to Chiz Escudero, Heart was earning oodles and oodles of money as a movie actress and influencer,” komento pa ng beteranong media personality.
“The money she spends is her own, not Chiz’s.
“I should know; I’m a friend of her uncle Rod Ongpauco,” ang kabuuan ng post ni Mr. Tulfo na of course na ang tinutukoy ay ang mga negosyong restaurant ng mga Ongpauco.
Well, bukod nga naman sa yaman ng pamilya ni Heart, ilan nga ba ang endorsement niya?
Ayon sa computation mismo ng mga netizen, more than 50 ang endorsements ng misis ni Senate President Escudero plus brand collab pa nga naman kaya unfair na idiin siya sa isyu ng pulitika.
Besides, ang tagal na rin namang nasa industriya ni Heart.
Twenty years na ba?
At sa totoo lang, marami na rin siyang nagawang pelikula at series sa haba ng career niya.
Never din naman siyang namahinga sa pagta-trabaho.
Well, consistent din siya sa kanyang pagiging influencer and brand ambassador ng mga luxury brand.
Artist pa. Ang dami niyang naipinta na ang iba raw ay naibenta at may mga ipinamigay sa mga kaibigan.
At hindi man kasing yaman ni Sy o Ayala ang kanilang pamilya, tagapagmana nga raw ito.
Kaya ang bottomline, bongga na ang buhay ni Heart noon pa man at hindi na niya kailangan pang magtrabaho para tustusan ang luho sa katawan na kabaliktaran sa ibinibintang na inaasa niya ito sa mister na senador.
Kasabay pa ng maraming perks sa kanyang pagiging influencer sa mga luxury brand.
Saka I’m sure siya ang idol ng nepo babies na panay ang flex ng luxury items nila.
Ang difference lang, si Heart provided daw ng mga brand ang majority sa luxury items habang ang nepo babies, binibili nila ang mga kagamitan nilang daang libo ang halaga.
May mga influencer nga na literal na nagmula sa kahirapan pero yumaman, salamat sa social media.
Si Heart nga naman, galing na sa kilala at mayamang pamilya, naging fashion icon pa na pinagtrabahuhan niya ng ilang taon, kaya common sense na capable siya sa kanyang lifestyle.
But anyway, ang downside lang, wala siyang pelikula or teleserye, na tiyak na mas malaki ang talent fee kesa sa pagiging endorser lang.
Common knowledge na mas malaki ang kita sa pelikula at teleserye.
Sa kasalukuyan ay massive ang success ng negosyong sun serum ni Heart na Luxelle Centella.
Pero hindi lang pala ito ang negosyo ni Heart, partner niya rito ang glam team niya.
At ‘yun pa ang isang magandang attitude ni Heart ayon sa ilang friends niya, generous at sobra ang kabaitan na minsan, sinasamantala na ng iba.
Iba na kasi ngayon ang social media, lahat may hanash. Pero kung familiar ka sa showbiz, hindi ka na basta maniniwala.
