Akari vs Cignal sa quarterfinals


MANILA, Philippines — Bumanat si Ivy Lacsina ng 16 points mula sa 12 attacks, tatlong blocks at isang service ace sa 32-30, 25-22, 25-19 sweep ng Pool B No. 5 Akari sa Pool A No. 4 Petro Gazz sa crossover knockout round patungo sa quarterfinals ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Nag-ambag si Eli Soyud ng 15 markers habang may 13 points si Grethcel Soltones sa pagsagupa ng Chargers sa Cignal HD Spikers sa isang knockout quarterfinal match bukas.

“Ang sa amin lang sana ma-motivate pa sila,” ani coach Tina Salak. “Nandito na eh, parang there’s no reason why para umayaw pa kami, nandito na. So tuloy na.”

Pumalo si Myla Pablo ng 15 points sa panig ng Gazz Angels, nagreyna sa nakaraang PVL All-Filipino Conference.

Nagsukatan ng lakas ang dalawang koponan sa dulo ng first set kung saan itinabla ni Pablo ang Petro Gazz sa 30-30.

Ngunit umiskor si Lacsina ng dalawang sunod na puntos para sa 32-30 panalo ng Akari.

Muling dumikit ang Gazz Angels sa 14-14 ka­sunod ang atake nina Lacsina, Soltones, Soyud, Camille Victoria at Ezra Madrigal para sa 24-18 set point ng Chargers.

Tinapos ni Soltones ang second set mula sa kanyang hataw.

Binuksan naman ng Akari ang third frame sa 5-0 bentahe bago inagaw ng Petro Gazz ang 14-12 lead sa pamumuno nina Pablo, Nicole Tiamzon, Joy Dacoron at Djanel Cheng.

Umagaw ng eksena si Chargers’ rookie Chenie Tagaod matapos ang kanyang palo na sinundan ng tatlong sunod na aces para ibaon ang Gazz Angels sa 24-19.

Ang crosscourt attack ni Soltones ang sumelyo sa panalo ng Akari.