MANILA, Philippines — Mula sa Nakhon Ratchasima, Thailand ay magtutungo naman ang Alas Pilipinas sa Ninh Bình, Vietnam para sumabak sa Leg 2 ng 2025 SEA V.League.
Hahataw ang torneo sa Agosto 8 hanggang 10 kung saan muling maghaharap-harap ang Pilipinas, Thailand, Vietnam at Indonesia.
Nakamit ng mga Pinay spikers ang ikatlong sunod na bronze medal sa SEA V.League matapos talunin ang mga Indonesians, 25-20, 25-20, 16-25, 25-13, sa agawan sa third place sa Leg 1 sa Nakhon Ratchasima.
Noong 2024 SEA V.League Legs 1 at 2 ay tansong medalya rin ang nakamit ng Nationals.
“One step closer, more to chase,” sabi ni Angel Canino na ginawaran ng Best Outside Spiker sa Leg 1 noong nakaraang linggo.
Nauna nang hinirang ang 22-anyos na pambato ng La Salle Lady Spikers bilang Best Outside Hitter sa nakaraang 2025 AVC Nations Cup kung saan nakopo ng Alas Pilipinas ang makasaysayang silver medal finish.
Bago talunin ang Indonesia ay minalas ang Alas Pilipinas sa Thailand, 25-17, 24-26, 20-25, 20-25, at Vietnam, 13-25, 21-25, 25-23, 9-25.
Ang Thailand ang nagreyna sa Leg 1 matapos talunin ang Vietnam sa gold medal round.
Nakatuwang ni Canino sa Leg 1 sina team captain Jia De Guzman, Bella Belen, Shaina Nitura, Eya Laure, Vanie Gandler, Leila Cruz, Maddie Madayag, Mars Alba, Dell Palomata, Fifi Sharma, Thea Gagate, Dawn Catindig, Justine Jazareno at Cla Loresco.
