Pinoy cue masters mainit sa Florida Open


MANILA, Philippines — Mainit ang ratsada ng Pinoy cue masters na umabante sa susunod na yugto ng Florida Open na ginaganap sa Caribe Royale Resort sa Orlando.

Nanguna sa ratsada ng Pinoy squad si reigning World 9-Ball Pool champion Carlo Biado na nagsumite ng dalawang sunod na panalo upang umabante sa third round.

Nairehistro ni Biado ang pambuenamanong panalo kung saan inilampaso nito si Sam Henderson ng Amerika sa pamamagitan ng 9-3 demolisyon.

Agad itong sinundan ni Biado ng 9-4 pananaig kay Quinten Pongers ng Netherlands para manatiling malinis ang rekord nito sa torneo.

Ngunit makakaharap ni Biado sa susunod na round ang kababayang si Roland Garcia para sa tsansang makapasok sa Final 64.

Umabante si Garcia nang masikwat nito ang impresibong 9-0 panalo laban kay American Daniel Sanchez sa kanyang unang pagsalang.

Dumaan naman sa butas ng karayom si Garcia sa kanyang sumunod na laban nang itakas nito ang pukpukang 9-8 panalo laban kay Payne McBride ng Amerika.

Nanatili rin sa winners’ column sina Johann Chua, Patrick Gonzales, Jeffrey Roda, Bernie Regalario, Marvin Asis at Michael Baoanan.

Wagi si Chua kina Rick Mille (9-0) at Kristian Dimitrov (9-2) habang nanalo naman sina Gonzales, Roda, Regalario, Asis at Baoanan sa kani-kanyang mga laban.

Nakalaan ang tumataginting na $200,000 kabuuang premyo tampok ang $40,000 para sa magkakampeon.

Matapos ang Florida Open, sunod na sasalang ang mga Pinoy cue masters sa US Open.