MANILA, Philippines — Tatlong Pinoy cue masters na ang pasok sa Last 64 matapos magtala ng kani-kanyang ikatlong sunod na panalo sa Florida Open na ginaganap sa Caribe Royale Resort sa Orlando, Florida.
Hindi maawat sina reigning World 9-Ball Pool champion Carlo Biado, Johann Chua at Bernie Regalario na nanatiling undefeated sa kanilang tatlong pagsalang sa torneong may nakalaang $200,000 kabuuang premyo.
Ipinagpatuloy ni Biado ang dominasyon nito matapos payukuin ang kababayang si Rolando Garcia sa iskor na 9-4.
Nanalo rin si Biado kontra kina Sam Henderson ng Amerika sa first round (9-3) at Quinten Pangers ng Netherlands sa second round (9-4).
Kinailangan naman ni Chua na hugutin ang malalim nitong karanasan bago itakas ang gitgitang 9-8 pananaig kay Emil Gangflot ng Norway.
Nauna nang nagwagi si Chua kina Rick Miller ng Amerika sa first round (9-0) at Kristian Dimitrov ng Bulgaria sa second round (9-2).
Sa kabilang banda, ginulantang naman ni Regalario si John Morra ng Canada sa bisa ng pukpukang 9-8 panalo para makahirit ng tiket sa susunod na round.
Nanalo muna si Regalario kina Toh Lian Han ng Singapore (9-2) at Chang Yi ng Chinese-Taipei (-94) sa kanyang unang dalawang laro.
Hindi naman pinalad sina Patric Gonzales at Jeffrey Roda na yumuko sa kani-kanyang karibal upang mahulog sa losers’ bracket.
Talo si Gonzales kay Duong Quoc Hoang ng Vietnam (3-9) habang tumupi si Roda kay Dimitris Loukatos ng Greece (8-9).