NBI agents, walong taon sa kolehiyo palpak ang trabaho!


DIPUGA — Non Alquitran — Pilipino Star Ngayon

August 12, 2025 | 12:00am

WINALIS ni NBI director Atty. Jaime Santiago ang 13-man NBI Special Task Force dahil sa “Wow Mali” na operations ng mga ito sa Bulacan. Ang unang napansin ng “sharpshooter” na mata ni idol Jimmy ay ang maling address na pinasok ng NBI raiding team, na ang pakay ay POGO operations.

Hindi lang ‘yan, ang nakasaad pa sa search warrant ng mga loko ay ang pagkumpiska ng laptop at iba pang gadgets subalit wala naman silang inabutan sa ni-raid nilang resort. Dipugaaa! Pitsa-pitsa lang ang lakad ng mga NBI operatives eh puro abogado pa naman ang mga ‘yan.

Ayon kay idol Jimmy, anim lang sa mga taga-STF ang kasali sa raid kaya lang buong 13-man team na ang kanyang sinibak. Itinapon ni idol Jimmy ang mga ito sa kung saan-saan lang. Behhh buti nga! Sabi ko na nga ba na hindi sila sasantuhin ni idol Jimmy eh. Mismooo!

Ayon kay idol Jimmy, kasama sa sinibak ay ang hepe ng STF dahil sa usaping  command responsibility. Tsk tsk tsk! Ang insidente, aniya, ay pinaimbestigahan na niya sa NBI Internal Affairs Division para lumitaw ang katotohanan sa palpak na raid.

Hindi nagustuhan ni idol Jimmy ang sistema ng mga STF raiders dahil ang address na nakalagay sa search warrant ay sa Sta. Rita, Bulacan samantalang ang pinasok na resort ay sa Ligas, Malolos, Bulacan. Palusot pa ha.

Mukhang hindi nagkasundo sa presyo bunga sa kinasu­han ng NBI STF ang siyam na Chinese na kanilang inaresto sa palpak na raid. At dahil hindi pulido ang raid, ibinasura ng pro­secutor’s office sa Bulacan ang kasong isinampa ng NBI raiders. Hehehe! Walong taon nag-aral sa kolehiyo tapos ma­lasado pa ang kasong isinampa? Purbidang yawaah!

Ang masama n’yan, kinulimbat ng NBI raiders ang mga personal na gamit ng mga Chinese, tulad ng cell phone at wallets na naglalaman ng cash. At bago umalis, nagluto pa ang NBI raiders at kumain, ayon sa mga batang Chinese na nasa Pinas para mag-aral ng English.

Dahil nakakulong ang kani-kanilang magulang, ang limang batang Chinese ay hindi malaman kung ano ang gagawin. Kahit may release order kasi ang korte, ang ginawa ng STF raiders ay inilipat sila sa custody ng Bureau of Immigration para alaming kung sila ay undocumented aliens.

Wais din itong taga-STF, no mga kosa? Iwas kaso eh. Inamin ni idol Jimmy na hindi naman nila mai-release ang siyam ng Chinese dahil nasa personal custody nila ang mga ito, subalit ang legal custody nila ay sa BI. Sanamagan! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Sa dokumento ng kaso, ang NBI raiders ay armado ng search warrant to search, seize and examine computer data na pirmado ni Judge Antonio Ray Ortiguerra ng Makati RTC Branch 148 na may petsang July 8.

Ang aplikante sa warrant ay si Agt. Jerome Ace Tabios ng NBI ACD at ang witness naman ay si Stanley Cruz Cortez. Nakasaad sa warrant na ang target ng NBI raiders ay ang computer devices tulad ng desktops, laptops, notebooks, tablets, cellular phones, CCTVs at samut-sari pang gadgets. Eh di wow!

Pero semplang ang raid kaya’t nagpupuyos sa galit si idol Jimmy dahil bumaho ang imahe ng NBI sa palpak na raid. Nagkita sina idol Jimmy at abogado ng siyam na Chinese na si Atty. Tiu ng nakaraang Huwebes subalit walang pang update sa kaso. Dapat mas malalang parusa ang ipataw sa nagkasalang NBI agents. Abangan!