Alas Pilipinas women suportado ang Men’s World


MANILA, Philippines — Pinaingay ng Alas Pilipinas Women ang atensyon para sa darating na FIVB 2025 Men’s World Championship.

Sumakay sina Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara at Alas head coach Jorge Edson Souza de Brito kasama ang ilang Pinay spikers sa LRT-2 LINE 2 ng Light Rail Transit Authority kahapon.

“This is a rare opportunity for the country, to host a very prestigious event, the world championship,” ani Alas team captain Jia De Guzman sa train ride mula Recto hanggang Santolan station ng LRT-2.

Ito ang ikalawang aktibidad ng PNVF na sinuportahan ng LRTA at ni administrator, Atty. Hernando Cabrera.

Nakasama ni De Guzman sa biyahe sina libero Dawn Macandili-Catindig at outside hitters Vanie Gandler at Alleiah Malaluan na nakipagkuwentuhan sa mga opisyales ng Local Organizing Committee ng FIVB MWCH.

Nakatakda ang FIVB MWCH sa Setyembre 12 hanggang 28 na idaraos sa Smart Araneta Coliseum at SM Mall of Asia.

“One more month and the Philippines will be on the world volleyball map,” wika ni Suzara kasama si PNVF secretary-general Donaldo Caringal at mga miyembro ng LOC.

Suportado rin ni de Brito ang pamamahala ng bansa sa world championship na magtatampok sa top 32 teams sa buong mundo.

Si de Brito ay naging miyembro ng Barcelona 1992 gold medal winning Brazil team.

Magkakaroon din ng naiibang opening ceremony sa Setyembre 12 sa MOA Arena, ayon kay Suzara.

Sasalang ang popular K-Pop group Boy Next Door, habang papagitna ang Ben and Ben sa Setyembre 28 closing ceremony kung saan dadalo si Leila Barros, nagpahanga sa mga Filipino fans noong 1990s, na ngayon ay isang Senador sa Brazil.