Chezka Centeno may tsansa sa medalya sa World Games


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 13, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Tumumbok si 2023 World 10-ball champion Chezka Centeno ng tiket sa semifinals ng women’s 10-ball para sa tsansa sa medalya sa 2025 World Games sa Chengdu, China kahapon.

Dinaig ng 26-anyos na si Centeno si Mayte Ropero ng Spain, 7-2, sa quarterfinals para sagupain si Chinese Shasha Liu, ang three-time 9-ball titlist, sa semis ngayong alas-9 ng umaga.

Tinalo ni Liu si Soledad Ayala, 7-4, sa quarterfinals.

Nauna nang kumuha ng silver medal si jiu-jitsu star Kaila Napolis sa wo-men’s 52-kilogram division.

Ngunit minalas si Napolis na muling makasikwat ng medalya nang mabigo sa open ne-waza contest kagaya ni Annie Ramirez.

May tsansa pang ma-kapag-uwi ng medalya ang Team Philippines, suportado ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission, sa sambo, powerlifting at d­uathlon events.

Sasabak si Aislinn Yap, ang World No. 1 sambo athlete, sa aksyon bukas.

Samantala, sinapawan ng men’s floorball team ang host China, 14-0, sa kanilang classification match para sa seventh place.

Umiskor si Kim Rosello ng limang goals habang may tig-tatlo sina Melvin Mendoza at Simon Larano.