August 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nakarekober ang Philippine Coast Guard (PCG) ng rocket debris na may Chinese markings sa baybayin ng Occidental Mindoro noong Huwebes.
Sinabi ng PCG na ang debris ay namataan sa Sitio Gunting, Barangay Bonbon, bayan ng Looc habang nangingisda sa naturang lugar.
“The debris, measuring about 10 feet wide and 14 feet long, was made of alloy material and bore the [People’s Republic of China] flag,” ayon sa PCG.
Anang PCG, isang 50-anyos na mangingisda mula sa Barangay Binacas ang nakadiskubre ng debris.
Dakong alas-12:30 ng tanghali naman nang makatanggap ng ulat ang Coast Guard Sub-Station (CGSS) Lubang mula sa mga pulis hinggil sa floating debris.
Sinabi ng PCG na maaaring ang naturang debris ay may kaugnayan sa Long March 7A rocket na inilunsad ng China sa pagitan ng Hulyo 15 at 17.
Dinala umano ang debris sa Sitio Balaguin, Barangay Maliig dakong alas-2:40 ng hapon para sa kaukulang safekeeping at proper disposition.