August 18, 2025 | 12:00am
ANG ikatlong working girl na nag-inquire kay Apol ay si Lea, hiwalay sa asawa, taga-San Jose del Monte. Nagtatrabaho si Lea sa isang hotel sa Pasay Road. Tulad ni Pam at Cherie, ang kalayuan ng tirahan at ang pesteng trapik sa EDSA ang dahilan kaya piniling magrenta ng kuwarto. Ayon kay Lea, makakatipid siya kung uupa at hindi pa stress sa araw-araw na trapik.
Nag-down at one month advanced si Lea.
“Kailan ka lilipat, Lea?”
“Bukas na, Apol. Wala naman akong gamit na ililipat. Maleta lang at isang bag.”
Ibinigay ni Apol ang susi para sa Room Number 3.
“Kung may magiging problema ka, tawagan mo lang ako sa cell phone number na ito.”
“Okey, Apol.”
KINABUKASAN, isa pang working girl ang nag-inquire—si Joy, 30. Nagtatrabaho sa isang car company sa Pasong Tamo, single-mom, taga-Valenzuela.
Nagbayad din agad ng deposito at nag-one month advanced.
Ibinigay ni Apol ang susi para sa Room No. 4.
“Kailan ka lilipat, Joy?”
“Sa Sunday. May ililipat akong ref at TV.”
“Okey. Text o tawag ka lang sa akin kapag may problem.”
“Okey, Apol.”
Isang kuwarto na lang bakante ang Room No. 5.
LUMIPAS ang isang linggo hanggang mag-isang buwan pero walang nag-i-inquire na working girl.
Nag-isip si Apol: Baka kaya wala nang may balak tumira.
(Itutuloy)