August 19, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Target ni veteran coach Tim Cone na magdagdag ng ilan pang players upang mas lumalim pa ang lineup ng Gilas Pilipinas para sa mga susunod na laban na kanilang haharapin.
Pinangalanan ni Cone ang mga napipisil nitong idagdag sa pool ilang araw matapos ang seventh place finish ng Gilas Pilipinas sa katatapos na FIBA Asia Cup sa Jeddah, Saudi Arabia.
Nangunguna na si Filipino-American Quentin Millora-Brown na pormal nang pinayagan ng FIBA para makapaglaro bilang local player.
Kasama rin sa mga nais ni Cone sina naturalized player Angelo Kouame, Rhenz Abando, Zavier Lucero, Troy Rosario at RJ Abarrientos.
“These guys, they’re uppermost in our minds and we’re looking at others. But the bottom line is we couldn’t get that done before the FIBA Asia,” ani Cone.
Nais ni Cone na regular na makasama ang mga nabanggit na players para masanay na ito sa sistema ng Gilas Pilipinas.
Ilang beses na rin nakasama sa training camp ng Gilas sina Abarrientos at Rosario bago ang FIBA Asia Cup.
Hindi naman nakalahok sina Abando at Kouame dahil kasama ito ng Strong Group Athletics na nagkampeon sa Williams Jones Cup sa Taipei, Taiwan habang nasa Amerika naman si Lucero.
“There could be one or two more. But the idea is that the program started with an idea of continuity,” ani Cone.
Malaking tulong sana kung maagang lumabas ang desisyon ng FIBA kay Millora-Brown dahil posibleng nakasama ito ng Gilas sa FIBA Asia Cup.
Malaki ang maitutulong ni Millora-Brown lalo pa’t wala sa lineup si Kai Sotto na nagpapagaling pa matapos ang ACL operation nito.
