Eala pasok sa US Open main draw


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 20, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Muling iwawagayway ni Alex Eala ang bandila ng Pilipinas sa prestihiyosong US Open na hahataw mula Agosto 24 hanggang Setyembre 7 sa Queens, New York.

Kumpirmado na ang pangalan ni Eala sa main draw.

Base sa inilabas na listahan ng US Open organizers, kasama ang pangalan ni Eala dahilan para hindi na ito dumaan pa sa qualifying rounds.

Makakasama ni Eala sa main draw sina defen­ding US Open champion Aryna Sabalenka ng Belarus, Wimbledon champion Iga Swiatek ng Poland, French Open champion Coco Gauff ng Amerika at Australian Open champion Madison Keys ng Amerika.

Hahataw din sina Mirra Andreeva ng Russia, Jasmine Paolini  ng Italy, Amanda Anisimova ng Amerika, Elena Rybakina ng Kazakhstan at Emma Navarro ng Amerika.

Nasa main draw din si Filipino-Canadian Leylah Fernandez.

Umaasa si Eala na mag­­karoon ng magandang kampanya sa US Open matapos makapagpahinga ng ilang linggo.

Sumailalim din si Eala sa matinding ensayo sa Rafael Nadal Academy sa Mallorca, Spain bago tumulak sa New York para sa US Open.

Huli itong nasilayan sa aksyon noong Hulyo sa National Bank Open sa Montreal, Canada kung saan natalo ito kay da­ting Wimbledon champion Marketa Vondrousova ng Czech Republic, 6-3, 1-6, 2-6 sa first round.