August 21, 2025 | 12:00am
Aralin muna batas — Palasyo
MANILA, Philippines — Pinaghihinay-hinay ng Malakanyang si Sen. Robin Padilla kaugnay sa panukala nito na sumailalim ang Presidente at lahat ng halal at itinalagang opisyal sa mandatory testing.
Pinaalalahanan ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro si Padilla na hindi pinapayagan ng batas ang kanyang panukala.
Binanggit ni Castro ang 2008 Supreme Court ruling kung saan dineklara na unconstitutional ang 2004 Comelec resolution na nagtatakda sa lahat ng national at local candidates ng 2004 election na sumailalim sa mandatory drug testing.
“Sana po ay nabasa niya na po ang desisyon ng korte patungkol po dito. Social Justice Society versus Dangerous Drugs Board 2008 kung saan hindi po hinahayaan at ito ay labag sa konstitusyon at sa privacy kung lahat po. ‘Pag sinabi po nating lahat, universal testing – mandatory universal or universal testing,” ayon pa kay Castro.
Ayon pa kay Castro, dapat pag-aralan ang batas patungkol sa drug testing para magkaroon ng ideya kung uubra ang kagustuhan nitong isailalim sa drug testing ang lahat ng opisyal ng gobyerno.
Labag aniya sa Konstitusyon at privacy ang mandatory drug testing dahil ang pinapayagan lamang ay random drug testing.
Baka magsayang din lang aniya ang senador ng oras at pera ng bayan kung maghahain siya ng panukalang batas para sa mandatory drug testing.
Pinayuhan ni Castro si Padilla na aralin muna nitong mabuti kung ano ang nais niyang gawing batas patungkol sa drug testing.
