Bubot na Bayabas (38) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

August 23, 2025 | 12:00am

NANG makaalis si Guava, natulala si Apol. Hindi siya makapaniwala na ang babaing nakasalubong niya sa Ayala Avenue ilang buwan na ang nakararaan ay rerenta pala ng kuwarto. Hindi na pala niya dapat abangan ang babae dahil kusa pala itong darating.

At kanina, napagmasdan niyang mabuti si Guava at talagang kamukha nito ang dalagitang nahuli niyang nagnanakaw ng bayabas sa kanyang bakuran.

Kung hindi lang nagmamadali si Guava kanina ay tatanungin niya ito kung may kamukhang kamag-anak. Gusto niyang malaman dahil nahihiwagaan siya.

Kung magtatabi si Guava at ang dalagita ay iisiping kambal sila. Hindi malilimutan ni Apol ang mukha ng dalagita.

Hanggang nag-ring ang phone ni Apol.

Tumatawag ang Ate Ginger niya mula Canada.

“Kumusta ka na Apol? Kumusta ang paupahan mong room?”

“Napuno rin Ate.”

“Sabi ko sa’yo ­maraming uupa riyan.”

“Pawang working girls ba ang umupa?”

“Oo.”

“Aba baka isa riyan ang mapangasawa mo, he-he-he!”

(Itutuloy)