August 25, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nagparamdam ng lakas si Sophia Rose Garra matapos bumasag ng dalawang national age-group records sa Philippine Aquatics, Inc. (PAI) National Tryouts para sa 33rd Southeast Asian Games na ginanap sa Teofilo Yldefonso Swimming Center sa Malate, Manila.
Hataw ang 13-anyos protege ni Olympian backstroker Jenny Guerrero nang magtala ito ng 1:06.50 sa girls’ 13-under 100-meter backstroke, para burahin ang kanyang dating marka na 1:06.65 na itinala nito noong Abril sa Smart Juniors Nationals.
Nakuha ito ni Garra kalaban ang mga beteranong tankers na sina Olympian Kayla Sanchez (1:02.38), Cambodia SEA Games champion Xiandi Chua (1:03.07), veteran Quendy Fernandez (1:03.23), 2023 SEAG gold medalist Teia Isabelle Salvino (1:03.85) at 2022 SEAG titlist Chloe Isleta (1:03.91).
Naungusan din ni Garra ang rekord sa girls’ 13-under 50m backstroke kung saan nagtala ito ng 30.70 segundo para burahin ang kanyang dating marka na 31.00.
Umarangkada rin si national mainstay Xiandi Chua na nanguna sa girls’ 200m individual medley sa bilis na 2:18.38, para talunin sina Isleta (2:21.87) at Shairinne Floriano (2:27.01).
Pasok naman sina Sanchez at Fil-British swimmer Heather White sa girls’ 200m freestyle matapos magtala ng 2:01.41 at 2:05.40, ayon sa pagkakasunod.
Sa men’s side, naghari si Fil-Am Gian Christopher Santos sa boys’ 200m freestyle sa bilis na 1:51.61, para maabot ang 1:51.74 QTS.
Tinalo nito sina Miguel Barreto (1:52.61) at Nathan Farrell Jao (1:52.70).
