COMP nanawagan sa mabilis na aksyon sa pagdetine kay Sy


Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

August 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nanawagan ang Chamber of Mines of the Philippines (COMP) sa pamahalaan na agarang aksyunan ang kaso ni Mr. Joseph Sy, chairman ng Global Ferronickel Holdings, Inc. (FNI) na kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Immigration(Bl) mula pa noong August 21, 2025.

Iginiit ng COMP na walang legal na batayan ang pagkakadetine ni Mr. Sy sa detention facility ng BI.

Ang Platinum Group Metals Corporation (PGMC), affiliate ng FNI, ay “member in good standing” dahil sa pagiging responsableng tagapagtaguyod ng mga prinsipyong isinusulong ng Chamber, ayon pa COMP.

Isang Filipino citizen si Sy na dalawang beses nang sinang-ayunan ng BI sa magkahiwalay na desisyon. Nakakabahala umano na ang parehong ahensya na kumikilala sa citizenship ni Sy ay siya pang gumawa ng iligal na pag-aresto at detensyon.

Ang mga aksyon ay walang legal na batayan at labag sa pundamental na karapatan na ginagarantiyahan ng konstitusyon.

Sa loob ng mahabang panahon, si Sy ay mayroong advanced responsible mineral development, sa pagtitiyak ng pangangalaga sa kalikasan, sumusuporta sa mga host community at nagtatayo ng tiwala ng mga investor sa Pilipinas bilang isang competitive at ethical mining jurisdiction.

Ang kanyang pagkakadetine ay nagpapahiwatig ng hindi magandang senyales sa business at investment community, nakakasira sa pagsisikap ng gobyerno na ilagay ang bansa bilang reliable global supplier ng critical minerals.

Nanawagan din ang Chamber sa mga awtoridad para sa mabilis na aksyon na pairalin ang due process at palayain agad si Mr. Sy.

Posibleng gumuho umano ang tiwala sa institusyon at magpapahina sa local at international investors.

Samantala, ginarantiyahan ng COMP na patuloy na makikipagtulungan para sa isang sustainable industry na stable, transparent, at ginagabayan ng malinaw at patas na mga tuntunin.

Paggalang at pagprotekta sa karapatan ng mga namumuno sa sektor ang sentral pagtatayo ng tiwala, paghikayat ng pamumuhunan at pagsuporta sa nakakasapat na pag-unlad.