August 28, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge PLt. Gen. Melencio Nartatez Jr., na dadaan sa tamang proseso ang balasahan sa hanay ng matataas na opisyal ng Pambansang Pulisya.
Ang paniniyak ay ginawa ni Nartatez kung saan sinabi nito na dapat pa ring sundin ang tamang pamamaraan upang matiyak na walang nalalabag na regulasyon sa pagtatalaga ng mga opisyal.
Ayon kay Nartatez, dapat ay laging handa ang mga opisyal sa posibleng mga pagbabago sa kanilang puwesto.
Aniya, walang permanente sa kanilang trabaho sapagkat prerogative ng Pangulo ang kanilang posisyon.
Ang hindi pagsunod umano ni dating PNP chief Gen. Nicolas Torre III sa rekomendasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) na ibalik sa puwesto ang mga binalasang opisyal ang sinasabing isa sa mga dahilan ng pagkakasibak nito sa puwesto.
Una nang ipinatupad ni Torre ang balasahan kung saan pinagpalit niya ng puwesto sina No. 2 man o Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez at Lt.Gen. Bernard Banac ng Area Police Command-Western Mindanao. Agosto 14 nang maglabas ng rekomendasyon ang NAPOLCOM hinggil sa ‘recall’ na binalewala ni Torre.
Kasunod nito, nilinaw rin ni Nartatez na maayos ang kanilang samahan ni Torre kahit na inilipat siya nito sa Mindanao.
Kinumpirma rin ni Nartatez na hindi na magsisilbing tagapagsalita ng PNP si PBGen. Jean Fajardo, kahit wala pang opisyal na kautusan. Si Fajardo ay nakatalaga na sa Directorate for Comptrollership.
Paliwanag ni Nartatez, dapat manggaling sa Public Information Office ang spokesperson. Hindi pa muna pinangalanan ni Nartatez ang magiging bagong tagapagsalita ng PNP.
