August 28, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nag-file na ng ‘leave’ o bakasyon ang sinibak na si PNP Chief Gen. Nicolas Torre III kasabay ng pahayag na wala siyang hinanakit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Well look at me straight in the eye, mukha ba akong may hinanakit”, pahayag ni Torre sa panayam ng mga reporter sa Kamara sa pagdalo nito sa pagdiriwang ng ika-66 kaarawan ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima kahapon.
“Well in the past days, I’m still composing my thoughts”, ani Torre na sinabing nag-file siya ng ‘leave of absence, vacation leave, service leave’ lahat na upang pag-isipan muna ang mga naging pangyayari sa kaniyang buhay.
Ayon kay Torre, wala siyang tampo o hinanakit kay Pangulong Marcos matapos siyang sibakin at ipalit si P/Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. bilang Officer-in-Charge ng PNP.
Nang matanong naman kung tatanggapin niya ang posibilidad na alukin siya ni PBBM ng panibagong puwesto sa gobyerno ay pag-iisipan muna raw niya itong mabuti. Pinawi rin nito ang espekulasyon na siya ang susunod na Director ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil hindi umano siya kuwalipikado.
Sa kaniyang facebook post ay pinasalamatan din ni Torre ang publiko sa pagsuporta sa kaniya matapos siyang masibak sa puwesto.
“Salamat po sa suporta ninyo”, saad ni Torre sa kaniyang mga taga-suporta.
Si Torre ang may pinakamaikling termino bilang PNP Chief na nanungkulan lamang ng 85 araw matapos itong italaga sa posisyon noong Hunyo 2025. Kung hindi nasibak si Torre ay dapat sa Marso 11, 2027 pa ito magreretiro.