August 28, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Siniguro ng Palasyo ng Malakanyang na papangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang mga pulitiko na sangkot sa mga maanomalyang flood control projects.
Ito ang kinumpirma ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa press briefing sa Malacañang.
Ayon kay Castro, mismong ang Pangulo na ang nagsabi na wala siyang sisinuhin maging sila man ay kaalyado o kaibigan at malalapit sa kanya.
Bukas din aniya si Pangulong Marcos na makipagpulong kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong kaugnay sa nalalaman niya sa maanomalyang flood control projects.
Kinumpirma rin ni Castro na sinusuri na ni Pangulo Marcos ang mga dokumentong ibinigay ni Magalong nang ito ay mag-inspeksyon sa Baguio City.
Handa rin ang Pangulo na makipag-usap kahit kanino lalo na patungkol sa mga anomalya.
Maging si Batangas Rep. Leandro Rep. Leviste aniya na kamakailan lang ay ipinaaresto ang district engineer ng Batangas dahil sa panunuhol ay maaaring personal na makipag-ugnayan sa Pangulo para makasuhan ang malalaking tao na nasa likod ng panunuhol.
Nilinaw naman ni Castro na kaya hindi agad nagbabanggit ng pangalan si Pangulong Marcos kung sino ang mga sangkot sa anomalya sa flood control projects ay dahil nag-iingat siya para hindi makasagasa ng mga inosenteng tao.