August 30, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ang guest team Kobe Shinwa University ang maghahamon sa PLDT sa finals ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Nagpasabog si Nagisa Komatsuda ng 31 points mula sa 29 attacks at dalawang blocks para tulungan ang KSU sa 21-25, 17-25, 26-24, 25-22, 15-6 reverse sweep sa Chery Tiggo kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tumipa si Arisu Ishikawa ng triple-double na 11 points, 13 digs at 16 receptions, habang umiskor si Kokoro Yasuma ng 16 markers.
Ito ang ikatlong dikit na pananalasa ng mga Japanese spikers matapos talunin ang Cignal HD at Creamline para sa kanilang 4-1 record.
Magtutuos ang High Speed Hitters, nagreyna sa nakaraang PVL on Tour, at Kobe Shinwa sa finals bukas sa Big Dome.
Mag-aagawan naman sa third place ang Crossovers at Cool Smashers.
Inamin ni coach Kiyokazu Yamamoto na inatake ng nerbiyos ang kanyang mga collegiate players kaya sila nabaon ng Chery Tiggo sa 0-2.
“We were not able to play our game straight away. I told my players in the third set to change their mindsets,” sabi ni Yamamoto.
Sa pamumuno ni Komatsuda ay nakabawi ang KSU at inagaw ang third set, 26-24, bago tuluyang makatabla sa fourth frame, 25-22.
Sa fifth set ay ganap nang tumaas ang kumpiyansa ng mga Japanese spikers at inilista ang 9-3 bentahe.
At mula rito ay hindi na nakabangon ang Crossovers na bigong makasampa sa kanilang ikalawang sunod na finals appearance matapos talunin ng High Speed Hitters sa PVL on Tour one-game championship.
