September 1, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tuloy ang ratsada ni Pinay neter Alex Eala na darayo naman sa Mexico para sumabak sa Guadalajara Open na aarangkada simula ngayong araw.
Matapos ang kampanya nito sa US Open sa Queens, New York, muling sasalang si Eala kung saan makikipagsabayan ito sa matitikas na netters sa mundo sa Mexico.
Unang makakaharap ni Eala sa opening round sa Guadalajara Open si Arianne Hartono ng Netherlands.
Hawak ni Eala ang No. 2 seed sa torneo kung saan pakay nitong masungkit ang kanyang unang singles crown sa taong ito.
Hindi ito ang unang pagkakataon na maghaharap sina Eala at Hartono.
Tatlong beses na itong nagtagpo at tatlong beses na rin itong tinalo ni Eala.
Una nang nakasagupa ni Eala si Hartono sa semifinals ng Roehampton 2 na ginanap sa England noong Agosto ng taong 2023 kung saan naitarak ng Pinay bet ang 7-6 (4), 2-6, 6-1 panalo para makapasok sa finals.
Muling nanaig si Eala laban sa Dutch player noong Enero sa pamamagitan ng 6-3, 6-3 panalo sa Round of 16 ng Canberra 125 na ginanap sa Australia.
Sa kanilang ikatlong laban, nailista ni Eala ang 6-2, 6-1 panalo laban kay Hartono sa first round ng W100 Bengaluru sa India.