September 2, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Unang misyon ni bagong head coach Willy Wilson ang makahanap ng kapares nina Jason Perkins at Kai Ballungay sa PBA Season Rookie Draft.
Katatalaga lang bilang kapalit ni Jamike Jarin na ngayon ay team consultant na, prayoridad ni Wilson ang mag-draft ng sentro para palakasin ang kanilang frontline at makasabay sa mga bigating koponan.
“I would say priority no. 1 is a true center,” anang bagong Fuel Masters head coach na si Willy Wilson sa Power and Play radio program ni dating PBA Commissioner Noli Eala nitong weekend.
“We need somebody who can probably hold his own down low without requiring a double team or help defense. Primary would be a true center.”
Kagagaling lang ni Wilson sa kanyang head coaching debut sa 2025 Kadayawan Invitational Basketball Tournament sa Davao City kung saan nadala niya sa bronze medal ang Phoenix bago mabinyagan sa PBA Season 50 sa Oktubre.
Hitik na sa wings, forwards at guards ang mga bataan ni Wilson sa pangunguna nina Tyler Tio, Ricci Rivero at Ken Tuffin subalit kulang sa sentrong kakailanganin nila upang maiganti ang maalat na kampanya sa Season 49.
At mula sa 128 na aplikante ng draft, may posibleng target ang Phoenix sa katauhan ni 6-foot-10 standout na si Geo Chiu mula sa dating UAAP champion na Ateneo.