September 3, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nagkasundo na ang NorthPort at Pureblends Corporation sa isang buyout para sa PBA franchise ng Batang Pier sa halagang P90 milyon.
At inaasahang aaprubahan ito ng PBA Board sa kanilang pulong ngayong araw kung saan two-thirds ng boto ng 12 member teams ang kailangan.
Sakaling mabigyan ng ‘greenlight’ ay maaari nang maging opisyal ang pagbenta ng NorthPort sa kanilang prangkisa sa Pureblends bago ang Season 50 PBA Rookie Draft na nakatakda sa Linggo sa Mall of Asia Music Hall sa Pasay City.
Maaaring pumayag na rin ang San Miguel Corporation (SMC) na papasukin ang Pureblends sa liga bagama’t may pinapairal na lockout provision kung saan maaaring tutulan ng isang member team ang aplikasyon ng isang direct competitor.
Ang nasabing food manufacturing company ay nakabase sa Caloocan City at pagmamay-ari ni Bryann Calantoc.
Inaayos na rin ng NorthPort at Pureblends ang mga dokumento kasama ang Securities and Exchange Commission (SEC) registrations at financial statements sa nakaraang tatlong taon na kanilang ilalatag sa PBA Board.
Pumasok ang NorthPort sa PBA noong 2012 matapos bilhin ng Sultan 900 Inc. ni team owner Mikee Romero ang Powerade franchise. Hindi pa sila nakakapasok sa PBA Finals.
Bumuo rin si Calantoc ng Pureblends-Similan Black Fox sa Pilipinas Super Liga.
Si Calantoc ay kaibigan ni Batang Pier coach Bonnie Tan na hindi pa tiyak kung pananatilihin ng Pureblends sa kanyang puwesto.
May kontrata pa sa NorthPort sina Calvin Abueva, Joshua Munzon, Cade Flores, Evan Nelle, Fran Yu at James Kwekuetye, habang may expiring contracts naman sina Jio Jalalon, Damie Cuntapay, Jerrick Balanza, Sidney Onwubere at Avan Nava.
Nawala sa Batang Pier sina Arvin Tolentino at William Navarro na lumipat sa Seoul SK Knights at Busan KCC Egis, ayon sa pagkakasunod, sa Korean Basketball League (KBL).
Noong nakaraang linggo ay nagdaos ang NorthPort ng isang two-day tryouts para sa mga free agent players at rookie prospects.
Sa Season 50 Rookie Draft ay hawak ng Batang Pier ang No. 4 overall pick matapos ang Terrafirma (No. 1), Phoenix (No. 2) at Blackwater (No. 3).
