September 3, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Saludo si volleyball star Alyssa Valdez sa husay at tapang ni tennis ace Alex Eala sa tuwing sumasabak ito sa mga international tournaments.
Kaya naman hanga si Valdez sa 20-anyos Pinay netter na nagsisilbing magandang inspirasyon ng mga kapwa atleta nito at mga kabataang nais sundan ang kanyang yapak.
“Alex Eala is so inspiring, on and off the court. Honestly, ako she’s my hero right now in a way na parang nai-ignite ulit yung love, passion sa sports, sa community,” ani Valdez.
Masaya si Valdez sa mga nangyayari sa karera ni Eala na tunay na nagpaangat ng tennis sa bansa.
Maliban sa tennis, nadadala rin ni Eala ang magandang momento sa buong komunidad ng Philippine sports.
Suportado ni Valdez si Eala sa anumang laban na haharapin nito kasama ang buong sambayanan na nagchi-cheer sa kanya sa bawat pagkakataon na tumutungtong ito sa court.
“Napakasarap sumuporta na kitang-kita mo na dalang-dala niya yung bandera ng Pilipinas every single time she gets a point and may mga times na nanghihina na siya, alam niyang we’re all behind her,” ani Valdez.
Naniniwala si Valdez na malayo pa ang mararating ni Eala lalo pa’t may solidong suporta ito mula sa kanyang pamilya, sa kanyang team at sa buong sambayanan.
Itinuturing na itong icon sa mundo ng tennis.
Gumawa ng kasaysayan si Eala nang maitarak nito ang unang panalo sa main draw ng isang Grand Slam event — ang US Open — kamakailan sa Queens, New York.
Si Eala ang unang Pinay netter na nakapagtala ng panalo sa Grand Slam event.
