September 5, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Apat na Pinoy cue artists ang sumampa sa Round-of-32 matapos magtala ng magkakahiwalay na panalo sa Zen Custom Cue and Yuan 8 Open sa Yuan 8 Club sa Shanghai, China kahapon.
Pinagulong ni 2025 World 9-ball semifinalist Bernie Regalario si Zeng Zhaodong ng China, 9-6, sa loser’s side.
Ang ibang Pinoy na dumaan sa loser’s bracket ay sina Marvin Asis at Michael Feliciano na tinalbos sina Wu Tianting ng China, 9-3, at Li Zih Min ng Chinese Taipei, 9-8.
Ibang daan naman ang tinahak ni Harry Vergara, nagtala ng tatlong sunod na panalo sa winner’s side para sumampa sa round-of-32, nang talunin sa Round 3 si Lo Ho Sum ng Hong Kong, 9-7.
Makakalaban ni Vergara sa Last 32 si Jonas Souto Comino ng Spain, habang makakatapat ni Regalario si Hsieh Chia-Chen, kaharap ni Feliciano si Wu Kun-Lin at katumbukan ni Asis si defending champion Ko Pin Yi.
Mga pambato ng Chinese Taipei ang mga makakasargohan nina Regalario, Asis at Feliciano.
Maliban kay Ko Pin Yi, nasa kompetisyon pa rin sina 2024 runner-up at reigning US Open king Aloysius Yapp ng Singapore at dating World Champion Alex “The Lion” Pagulayan na isang Pinoy pero dala ang bandila ng Canada.
Kaya mapapahirapan ang mga Pinoy cue artists bago masilo ang $20,000 premyo.