Gilas Boys olats sa Bahrain


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 5, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Maaga ang naging bakasyon ng Gilas Pilipinas Youth matapos ang 66-79 kabiguan kontra sa Bahrain sa qualification patungo sa quarterfinal round ng 2025 FIBA U16 Asia Cup na inialro sa Buyant Ukhaa Sport Complex kahapon sa Ulaanbaatar, Mongolia.

Matatandaang umabot hanggang semifinals ang Gilas Boys noong 2023 edition upang makapasok sa 2024 FIBA U17 World Cup na ginanap sa Turkey.

Noon ay nagtapos ang Gilas Youth sa likod lang ng Australia, New Zealand at China matapos silatin ang mga mas matitibay na koponang South Korea, 95-71, sa qualification at Japan, 64-59, sa quarterfinals.

Subalit kabalitaran ang sinapit ng Nationals, No. 35 sa mundo, ngayon nang tumaob isa-isa sa mas mababang ranggong tropa na tinuldukan ng No. 94 Bahrain.

Inalat sa opensa ang Gilas Boys sa second half nang si Luisito Joel Pascual lang na may 10 points ang nakasampa sa double digits. May dagdag na siyam na marka si Jhustin Hallare, habang may tig-walo sina Everaigne Cruz at Brian Orca Jr. pero kinulang pa rin.

Dikit pa ang iskor sa 44-44 sa third quarter bago magpakawala ang Bahrain ng 18-3 ratsada upang angkinin ang komportableng 62-47 bentahe tungo sa tagumpay.

Sa kabuuuan ay nagtapos sa 1-3 kartada ang Gilas Youth sa buong torneo tampok ang nag-iisang panalo kontra sa No. 89 Indonesia, 65-60.