September 8, 2025 | 12:00am
TATLUMPU’T ISA lang ang impeachable officials. Sila ang pinaka-makapangyarihan: Presidente, VP, 15 mahistrado ng Supreme Court, Ombudsman, pitong Comelec commissioners, tatlong Audit commissioners, at tatlong Civil Service commissioners.
Ibinasura ng SC ang kasong impeachment ni VP Sara Duterte. Mali-mali ang pinagbatayan na datos. Pati news report, na hearsay para sa hudikatura, ay ginawang katwiran.
Tinutuligsa ang SC ng tatlong umakda ng Konstitusyon, dalawang dating chief justice, dalawang dating mahistrado, at dose-dosenang law school deans. Conflict of interest umano ang desisyon kasi pinahirap ng SC ang pag-impeach kanino man, kabilang ang sarili nila. Nagpataw pa ng pitong bagong alituntunin sa pag-impeach, na labag sa Konstitusyon:
• Detalyadong ebidensiya sa habla pa lang;
• Bigyan ang opisyal ng pagkakataong tumuligsa;
• Ipakita sa opisyal ang ebidensiya;
• Aralin ng 317 Kongresista ang habla at ebidensiya bago botohan;
• Sumumpa lahat na naintindihan ang habla at ebidensiya;
• Talakayin nang husto ng plenaryo;
• Dapat dumalo ang opisyal sa lahat ng ito.
Pinababaliktad ng Camara de Representantes sa SC ang maling desisyon. Sabi ng mayoryang senador na kakampi ni VP Sara, imposible raw bumaliktad ang SC.
Pero may solusyon si Senate Minority Leader Tito Sotto: Charter Change. Kailangan daw mag-Constituent Assembly ang Senado at Kamara para repasuhin ang Article XI, Kapanagutan ng mga Pinunong Bayan. Mag singit ng isang seksyon na nagbabawal sa sinumang impeachable officer na baguhin ang Artikulo XI.
Sa ganung paraan, awtomatikong burado ang mga desisyon ng SC na hindi tugma sa Artikulo XI. Mapayapang reporma ito.