Brazilian football star, tagapagmana ng isang bilyonaryo na hindi niya kilala!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

September 8, 2025 | 12:00am

ISANG hindi kapani-paniwalang suwerte ang dumating sa Brazilian football superstar na si Neymar Jr. matapos siyang pangalanan bilang nag-iisang tagapagmana ng isang bilyonaryo na hindi pa niya nakikilala.

Ang mana ay nagkakahalaga ng mahigit $1.14 billion (humigit-kumulang P64.6 billion).

Ayon sa ulat ng ­Brazilian news outlet na RIC, isang hindi pinangalanang bilyonaryo na walang tagapagmana ang nag-iwan ng kanyang buong yaman kay Neymar.

Ang last will and testament ay ginawang pormal sa isang opisina sa Porto Alegre at napatotohanan noong June 12.

Sa nasabing ­dokumento, ipinaliwanag ng bilyonaryo na pinili niya si Neymar dahil sa personal niyang paghanga sa atleta, kahit na hindi pa sila nagkikita.

Partikular niyang hinangaan ang malapit na relasyon ni Neymar sa kanyang ama, na nagpapaalala umano sa kanyang relasyon sa kanyang yumaong ama.

“Gusto ko si Neymar, malaki ang paghanga ko sa kanya,” nakasaad umano sa dokumento. “Hindi siya mapagsamantala, isang bagay na bihira na ngayon.”

Hindi pa nagbibigay ng komento si Neymar tungkol sa sitwasyon. Bagama’t mayroon na siyang net worth na tinatayang aabot sa $300 million, ang hindi inaasahang mana na ito ay lalo pang magpapalaki sa kanyang yaman.

Ang mana ay binubuo ng iba’t ibang ari-arian, kabilang ang mga ­property, investment, at shares sa ilang kumpanya.