FEU at Ateneo magtatapat sa pagdribol ng UAAP Season 88


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

September 20, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Kumpiyansa si coach Sean Chambers na magi­ging mabalasik ang Far Eastern University nga­yong UAAP Season 88 men’s basketball tournament.

Kaya naman asahang handa nang manuwag ng mga Tamaraws sa pag­harap nila sa Ateneo Blue Eagles ngayong alas-2 ng hapon sa UST Quadricentennial Pavilion sa Manila.

Sa naganap na presea­son press conference sa Gloria Maris sa Greenhills noong Lunes karamihan sa mga coaches ay ang nagdedepensangUniversity of the Philippines at De La Salle University pa rin ang mga koponang na ba­bantayan.

Subalit ayon sa da­ting PBA Best Import, dapat isama ang kanyang koponang FEU sa mga magiging problema ng ibang tropa.

“Aside from UP and La Salle, FEU’s gonna be a problem,” kumpiyansang wika ni Chambers sa kanyang Tamaraws.

“You can call us the dark horse. Like I said before at the end of last year, we’re going to be a problem for every team moving forward. Our team is going to be solid,” dagdag nito.

Hindi maganda ang na­­ging simula ng FEU sa na­karaang season subalit bigla silang bumangon sa second round kung saan ay nakapagtala sila ng apat na panalo sa huling pitong laro.

Kinapos ng bahagya na makapasok sa Magic Four ang Tamaraws sa inirehistrong 5-9 record.

Ayon kay Chambers, may­roon siyam siyang ro­okies at ngayon ay nakakuha na sila ng experience ka­ya ito ang pinagkukunan niya ng lakas ng loob.

“Last year, we had nine ro­okies and everything was new to them. The first game, the first win, the first loss. This year it’s like we have a little bit of being a veteran this time around, with just a few rookies this year,” ani Chambers.

Huhugot ng puwersa si Chambers kina Jorick Bautista, Janrey Pasaol at Jedric Daa kasama ang mga batang sina Luke Felipe, Kirby Mongcopa, Liam Sangalang at Neil Owens.

Samantala, magtatapat sa pangalawang laro ang Season 87 runner-up La Salle at Adamson Universi­ty sa alas-4:30 ng hapon.

Kapwa hangad ng Green Archers at Falcons ang unang panalo.