Win No. 2 target ng Lady Blazers sa Lady Altas


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

October 5, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Puntirya ng College of Saint Benilde na sikwatin ang pangalawang sunod na panalo pagharap sa University of Perpetual Help System Dalta sa 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na lalaruin sa Paco Arena ngayong araw.

Magsisimula ang kani­lang paluan sa alas-10 ng umaga, sunod ang bakba­kan sa pagitan ng Emilio Aguinaldo College at Lyceum of the Philippines sa alas-12 ng tanghali.

Galing sa impresibong panalo ang Lady Blazers kung saan tinalo nila ang San Sebastian College-Recoletos, 25-17, 25-20, 25-18 noong Biyernes para ilista ang 1-0 karta at  saluhan sa tuktok ng Pool D ang Ateneo de Manila University.

Inaasahang mapapalaban ang four-time NCAA champion, CSB dahil nais ng Lady Altas na buma­ngon agad mula sa pagkakadapa kontra Blue Eagles sa event na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.

Samantala, magtatapat sa pangatlong laro ang Jose Rizal University at Adamson University sa alas-2 ng hapon.