February 23, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Lintik lang ang walang ganti para sa Gilas Pilipinas kontra sa New Zealand sa pagtatapos ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers ngayon sa Spark Arena sa Auckland.
Dadayo ang Gilas sa homecourt ng Tall Blacks sa alas-10 ng umaga (Manila time) para sa misyong masikwat ang No. 1 seed sa Group B.
Tabla ngayon ang Gilas at NZ sa 4-1 kartada subalit higit doon ay tangka ng Nationals ang matamis na bawi matapos yumukod sa unang pagkakataon kontra sa Chinese Taipei sa homecourt din nito, 91-84.
Iyon ang unang talo ng Gilas sa Taipei simula 2013 na pumatid din sa unbeaten streak nila sa Asia Cup Qualifiers bagama’t wala ng bilang dahil pasok na ang koponan sa mismong Asia Cup sa Hulyo sa Jeddah, Saudi Arabia.
Subalit hindi ito ipagkikibit-balikat ni Gilas head coach Tim Cone na pangako ang matikas na balikwas sa Tall Blacks.
“I will be better. We will better,” deklarasyon ni Cone na inako ang sisi sa makasaysayang kabiguan.
Matatandaang noong nakaraang window na ginanap sa Pilipinas ay Gilas ang umiskor ng kasaysayan nang kaldagin sa unang pagkakataon ang Tall Blacks, 93-89.
Ito ang unang tagumpay ng Gilas sa Oceania powerhouse sa 4 na salang buhat nang napasama sila sa FIBA Asia Zone tampok ang average losing margin na 24.3 puntos.
Subalit upang maulit ito, kakailanganin ni Cone ang tulong ng kanyang local crew matapos matameme ang karamihan kontra sa Chinese Taipei.
Mistulang lone ranger si Justin Brownlee na may 39 puntos habang sina Dwight Ramos at AJ Edu lang ang nakatulong niya na may 15 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
