EDITORYAL — Kalsadang hindi sira, binabakbak ng DPWH


Pilipino Star Ngayon

October 12, 2025 | 12:00am

Bata pa raw si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ay ma­dalas na niyang naririnig sa mga tao na maayos naman ang kalsada ay kung bakit binabakbak ng DPWH. Hindi pa naman daw sira ang kalsada ay kung bakit winawasak at sisimentuhan ng bago.

Ngayon, pagkaraan nang maraming taon, alam na ni Dizon kung bakit. Batid na niya ang dahilan kung bakit ang mga kalsadang buung-buo pa at maayos na nada­raanan ng mga sasakyan ay sinisira at saka papalitan ng bago.

Ayon kay Dizon, pinagkakakitaan ang pagsisira. Pi­nagkakakitaan ang paggawa uli ng kalsada. Alam na raw niya kung bakit. Hindi na siya nagtataka kung bakit bina­bakbak ang mga maaayos na kalsada.

May korapsiyon sa pagbakbak at paggawa ng kal­­sada at ito ang dahilan kaya ipinag-utos ni Dizon na suspendihin ang lahat ng road reblocking works sa buong bansa. Ayon kay Dizon, maglalabas siya ng bagong department order at safeguards para rito. Nilinaw niya na hindi naman saklaw ng suspensiyon ang maintenance works para sa mga dati nang sirang kalsada.

Kasabay sa suspensiyon ng road reblocking acti­vities, hinikayat ni Dizon ang publiko na isumbong sa kanya kung may isinasagawang reblocking at aaksiyunan niya. Mananagot umano ang susuway sa kanyang kautusan.

Unang pagkakataon ito na ang mga isinasagawang paghuhukay o pagbubungkal sa mga kalsadang hindi naman sira at napapakinabangan pa ay pinagbawal. Ma­rami nang naging DPWH secretary pero si Dizon lamang ang gumawa ng ganito. Siguro’y hindi maipagbawal ng mga dating DPWH secretaries ang reblocking works dahil sila mismo ay may kickback sa proyekto. Siyempre kapag mas madalas ang road reblocking, mas malaki ang kickback.

Marami pang “hiwaga” na matutuklasan si Dizon sa DPWH. Ang mga natutuklasan pa lamang niya ay maliliit. Si Dizon na rin ang nagsabi na maraming problema sa DPWH.

Maraming nasisiyahan sapagkat hindi tumitigil si Dizon sa paghalungkat sa mga anomalya sa DPWH. Mas lalong masisiyahan ang mamamayan kung mayroon nang maipapasok sa kulungan at pagdurusahan ang pagnanakaw sa pondo ng bayan. Maraming matu­tuwa kung may mabubulok sa likod ng rehas.

Kung sa kabila ng pagsisikap ni Dizon ay wala pa ring mapapanagot, hindi matatahimik ang mamamayan at magsasagawa ng protesta sa kalsada. Gawin ni Dizon ang lahat para sa mamamayan at sa Inang bayan.