PVL debut ni Belen purnada sa PLDT


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pinurnada ng PLDT ang opisyal na Premier Volleyball League (PVL) debut ni No. 1 overall pick Bela Belen matapos talunin ang Capital1 Solar Energy, 25-22, 25-20, 25-23, sa 2025 Reinforced Confe­rence kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Pumalo si Fil-Canadian Savi Davison ng 22 points mula sa 15 attacks at pitong blocks at may 15 markers si Russian import Anastasia Bavykina para sa 1-0 baraha ng High Speed Hitters sa Pool A.

“Nagka-align siya sa team namin na iyong mga kulang namin siya ang nagpupuno,” pahayag ni coach Rald Ricafort kay Bavykina. “Hopefully, with the chemistry makapag-jell pa kami.”

May 10 excellent receptions din ang Russian reinforcement para sa kanyang depensa para sa 14-game winning streak ng 2025 PVL On Tour at Invitational Conference champions.

Ito ang ikatlong pinakamahabang arangkada ng isang koponan sa PVL history, matapos ang kinamanadang 19-game run ng Creamline mula noong 2023 hanggang 2024 at 2024 hanggang 2025.

“I think the biggest thing right now is to support her. It’s her first game, o­bviously, she’s really good, she knows what to do,” sabi ni Davison kay Bavykina.

Humataw si Kim Kian­na Dy ng 10 points at nagsumite si setter Kim Fajardo ng 17 excellent sets habang may 14 excellent dig si libero Kath Arado.

Kumana naman si Be­len ng 13 markers sa panig ng Solar Spikers na nakahugot kay Ukrainian import Oleksandra B­ytsenko ng 20 points mula sa 17 attacks, dalawang aces at isang block.

Gamit ang kanilang eksperyensa, nakuha ng PLDT ang 2-0 bentahe sa laro bago tuluyang selyuhan ang panalo sa Capital1 ni Alas Pilipinas coach Jorge Souza de Brito.