Eala palaban sa Japan Open


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Isang qualifier ang makakalaban ni Alex Eala sa opening round ng 2025 Japan Women’s Open na ginaganap sa Utsubo Tennis Center sa Osaka, Japan.

Hinihintay pa ni Eala ang mananalo sa quali­fying tournament bago madetermina kung sino ang makakasagupa nito sa Round of 32 ng naturang 250-level WTA event.

Kung mananalo si Eala sa Round of 32, haharapin nito ang mananaig sa pagitan nina third seed Elise Mertens ng Belgium at Cristina Bucsa ng Spain.

Si Bucsa ang tumalo kay Eala sa second round ng US Open no­ong Set­yembre.

Hindi basta-basta ang Japan Open na may nakalaang $275,094 kabuuang prem­yo at magtatampok ng matitikas na players sa mundo.

Kabilang na rito si da­ting Grand Slam champion Naomi Osaka ng host Japan gayundin si second seed Linda Noskova  ng Czech Republic.

Pasok din si Filipino-Canadian Leylah Fernandez na siyang fourth seed sa torneo at sina Bianca Andreescu ng Canada, Emilia­na Arango ng Colombia, Hailey Baptiste ng Ame­rika at Katie Boulter ng Great Britain.

Hangad ni Eala na maging maganda ang kampanya nito sa Japan Open upang lalo pang mapalakas ang tsansa nitong makapasok sa Top 50 ng WTA ran­kings.

Kasalukuyan itong nasa No. 54 puwesto sa WTA rankings — ang kanyang bagong career-high.

Puspusan na ang pagsasanay ni Eala sa Osaka para matiyak na handang-handa ito bago sumalang sa bakbakan.

Ilang training sessions na ang pinagdaanan nito.

Galing sa isang linggong pahinga si Eala.

Huli itong naglaro sa qualifying event ng Wuhan Open subalit bigo itong makapasok sa main draw matapos matalo sa first round ng qualifiers.