October 14, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kinailangan ni Chezka Centeno na dumaan sa butas ng karayom bago pataubin ang kababayang si Rubilen Amit sa pamamagitan ng 4-1, 2-4, 4-2, 3-4, 4-2 desisyon upang mabawi ang korona ng WPA Women’s 10-Ball World Championship na ginanap sa Bali, Indonesia.
Ito ang ikalawang World 10-Ball crown ni Centeno matapos pagreynahan ang 2023 edisyon na ginanap sa Austria.
Napasakamay ni Centeno ang tumataginting na $50,000 premyo o halos P3 milyon habang nagkasya naman ang two-time World 10-Ball champion na si Amit sa $25,000 konsolasyon o P1.4 milyon.
Ngunit hindi naging madali ang pinagdaanan ni Centeno.
Hawak na ni Centeno ang 2-1 kalamangan.
Subalit umarangkada si Amit sa fourth set para maitabla sa 2-2 ang bakbakan.
Sa final set, sinamantala ni Centeno ang dry break ni Amit para makuha ang 2-0 abante.
Nagawang makadikit ni Amit sa 2-3 ngunit iyon na lamang ang nakayanan nito para tuluyang ipaubaya kay Centeno ang panalo.
Nakapasok si Centeno sa finals matapos patalsikin sina 2024 champion Kristina Tkach ng Russia sa Round of 16 (3-1), Wang Wan-Ling ng Chinese-Taipei sa quarterfinals (3-2) at Liu Shasha ng China sa semifinals (3-0).
Sa kabila ng tagumpay, ibinahagi ni Centeno ang mga pinagdaanan nito bago makuha ang kampeonato.
“For the past four months, I’ve been competing non-stop, reaching three finals and falling short in two. I kept telling myself it was okay, that life goes on, but deep inside, the fire started to fade,” ani Centeno.
May mga pagkakataon na bumababa na ang kumpiyansa nito sa kanyang sarili dahilan para mawala ito sa focus sa kalagitnaan ng bawat laban nito.
Isa ito sa mga naging problema ni Centeno.
Subalit napagtagumpayan ito ng mahusay na Pinay cue master.
“I began doubting myself and feeling anxious. I lost confidence, my mind would go blank during matches, and I would lose early. It was one of the toughest stretches of my career, a quiet battle within myself,” ani Centeno.
