October 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Hinataw ng Akari ang ikalawang sunod na panalo sa Pool B matapos takasan ang Chery Tiggo, 25-11, 23-25, 29-27, 17-25, 15-7, sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sinandigan ng Chargers sina Eli Soyud, Grethcel Soltones at Ced Domingo sa fifth set para sa kanilang 2-0 record.
Tumapos si Soyud na may 17 points kapareho ni American import Annie Mitchem at may 16, 11 at 10 markers sina Domingo, Chenie Tagaod at Fifi Sharma, ayon sa pagkakasunod.
Nag-ambag si Soltones ng walong puntos.
Si libero Justine Jazareno ang bumandera sa depensa ng tropa ni coach Tina Salak sa kanyang 27 excellent digs bukod sa anim na excellent receptions.
“At least iyong sa experiences namin with Creamline and Chery Tiggo doon sa five sets nakita natin iyong character and iyong role ng team, nakita natin iyong composure ng team,” ani Salak.
Bagsak ang Crossovers sa 0-2 baraha.
Pumalo si Ces Robles ng 20 points habang nag-ambag si Cuban import Yuneska Batista ng 17 markers para sa Chery Tiggo na naitabla ang laro sa 2-2 matapos agawin ang 25-17 panalo sa fourth set.
Pagdating sa fifth frame ay nagtuwang sina Soyud, Soltones at Domingo para sa isang 8-1 ratsada ng Chargers at selyuhan ang pag-eskapo sa Crossovers.
Sa ikalawang laro, winalis ng ZUS Coffee ang Galeries Tower, 25-22, 25-16, 25-16, para sa 2-0 record at tablahan ang Akari sa liderato ng Pool B.
Bumulusok ang Highrisers sa 0-2.
