October 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Bibida sa maagang bakbakan sa pagitan ng top title contenders ang Barangay Ginebra at Talk ‘N Text sa umiinit na PBA Season 50 Philippine Cup ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.
Sisiklab ang giyera sa alas-7:30 ng gabi pagkatapos ng unang banggaan tampok ang Meralco (0-2) at Blackwater (1-0) sa alas-7:30 ng gabi.
Tangka ng Tropang 5G ang solo liderato habang matamis na bawi naman ang nais ng Gin Kings matapos magdaan sa magkasalungat na resulta sa opening week ng PBA golden anniversary.
Wagi ang TNT kontra sa Phoenix, 93-78, habang tumaob ang Ginebra sa Manila Clasico opener kontra sa Magnolia, 80-73.
Matatandaang Tropang 5G at Gin Kings ang bumida sa finals ng Governors’ Cup at Commissioner’s Cup noong nakaraang season na parehong pinagwagian ng TNT upang mamuro sana sa Grand Slam.
Subalit kinapos ang mga bataan ni coach Chot Reyes sa San Miguel sa All-Filipino finals upang madiskaril ang pangarap na plano nilang simulan ulit ngayon armado ng pinalakas na puwersa.
Bagama’t hindi pa rin nakakalaro ang ibang pambato na si Jayson Castro at Poy Erram, nagbalik-aksyon naman si Rey Nambatac kasama pa ang ibang dagdag na tao ng TNT na sina Jio Jalalon mula sa NorthPort (Titan Ultra na ngayon), Tyrus Hill mula sa Blackwater at Kevin Ferrer mula sa Terrafirma.
Nagpasiklab agad si Nambatac matapos ang kanyang groin injury noong Philippine Cup nang kumamada ng 22 puntos sa 15-puntos na tagumpay nila kontra sa Fuel Masters.
Maalat ang naging simula ni Cone at ng Ginebra kontra sa dating manlalaro at estudyanteng si LA Tenorio na siya na ngayong head coach ng Hotshots.