October 16, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-angat ni Pinay tennis sensation Alex Eala matapos muling magtala ng panibagong career-high sa Women’s Tennis Association (WTA) live rankings.
Sa kabila ng maagang pagkakasibak sa 2025 Japan Women’s Open, nagawa pa ring sumulong ng 20-anyos sa world rankings kung saan inokupahan nito ang No. 53 spot.
Mas maganda ito ng isang puwesto mula sa kanyang dating career-high na 54th.
Nadagdagan ang puntos ni Eala sa WTA na kasalukuyan nang may 1,131 points.
Galing si Eala sa masaklap na kampanya sa Japan Women’s Open sa Osaka.
Umani si Eala ng 1-6, 2-6 desisyon sa kamay ni Tereza Valentova ng Czech Republic sa first round dahilan para maaga itong mamaalam sa kontensiyon.
Dalawang magkasunod na torneo pa ang lalahukan ni Eala kung saan pakay nitong rumesbak upang mas lalo pang mapaganda ang kanyang puwesto sa WTA.
Hahataw si Eala sa Guangzhou Open sa China na gaganapin mula Oktubre 20 hanggang 26 sa Nansha International Tennis Center sa Guangzhou.
Ang Guangzhou Open ay isang 250-level WTA tournament na may nakalaang tumataginting na $275,094 kabuuang premyo.
Lalahok din sa torneo sina Jessica Maneiro ng Spain, Lucia Bronzetti ng Italy, Elisabetta Cocciaretto ng Italy, Magdalena Frech ng Poland, Leolia Jeanjean ng France, Francesca Jones ng Great Britain, Polina Kudermetova ng Russia, Ann Li ng Amerika at Tatjana Maria ng Germany.
