October 15, 2025 | 12:00am
MASBATE CITY, Masbate, Philippines — Nasawi ang isang mister matapos pagtatagain ng dating asawa ng kanyang kinakasama habang sugatan din ang huli nang manlaban ang biktima makaraang magpang-abot sa Brgy. Bayombon, sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.
Malalalim na taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang agarang ikinasawi ng biktima na kinilala lang sa alyas na Leo, 43-anyos habang isinugod ng mga rumespondeng pulis sa pagamutan ang suspek na si Benjie na nagawang gantihan ng taga ng biktima.
Sa ulat, dakong alas-3 ng hapon sakay sa isang “habal-habal” motorcycle ang biktima kasama ang kinakasamang si Michelle nang pagdating sa nasabing lugar ay pinara sila ng nakaabang na si Benjie na dati umanong asawa ni Michelle na armado ng itak.
Paghinto ng magdyowa, agad na pinagtataga ng suspek ang karibal na mister. Gayunman, kahit sugatan ay nagawa pa ni Leo na bunutin din ang kanyang itak at nakipagsabayan ng taga sa suspek bago siya tuluyang humandusay sa kalsada at nasawi.
Dahil sa sugatan, hindi na nagawa pang tumakas ang suspek kaya inabutan ng mga rumespondeng pulis at inaresto saka dinala sa pagamutan dahil sa mga tagang tinamo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
