Pagpatay sa brodkaster sa Negros kinondena ng PTFoMS


MANILA, Philippines — Mariing kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pamamaril at pagkakapatay sa isang brodkaster sa La Castellana, Negros Occidental noong Biyernes.

“We extend our heartfelt condolences to the family, friends, and colleagues of Mr. Calo. His death serves as a reminder of the dangers that media practitioners face in the line of duty,” pahayag ng PTFoMS sa isang press statement.

Ang biktimang si Julito “Jaz” Diamante Calo, 49-anyos, anchor ng “Waswasanay sa Quinto Distrito” program ng 88.3 DNN News FM na nakabase sa Himamaylan City ay pinagbabaril ng gunman na nakasakay sa kulay puting SUV na huminto sa tapat ng tahanan nito sa kabisera ng bayan ng La Castellana.

Ang biktima, isang lokal na announcer sa radio ay dead-on-the-spot sa tinamong mga tama ng bala sa kaniyang katawan.

Samantala, nanawagan ang National Union of Journalists (NUJP)-Negros Island Region chapter sa Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang krimen, arestuhin ang salarin upang mabigyang hustisya ang sinapit ng biktima.

Ang biktima ay nagsisilbi rin na job order employee ng lokal na pamahalaan.