Bytsenko humataw sa Solar Spikers


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 17, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nagpasabog si Ukranian import Oleksandra Bytsenko ng tournament-high 39 points mula sa 35 attacks, tatlong blocks at isang service ace sa 25-20, 23-25, 27-25, 25-12 paglusot ng Capital1 sa Nxled sa Pool A ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Umiskor si No. 1 overall pick Bela Belen ng 15 markers para sa unang panalo ng Solar Spikers ni Alas Pilipinas coach Jorge Souza de Brito sa ikalawa nilang laro.

“Iyong fourth set ta­la­gang trinabaho na namin kasi sabi namin may chance na kaming ma­ipanalo iyong game, so kailangan tapusin na namin,” pahayag ng three-time UAAP champion na si Belen.

Lugmok naman ang Chameleons sa 0-2 baraha.

Ang apat na sunod na puntos ni Bytsenko ang nagbigay sa Capital1 ng 17-7 kalamangan sa fourth set patungo sa kanilang pagdaig sa Nxled.

Binanderahan ni Spa­nish reinforcement Paola Martinez ang Chameleons sa kanyang 20 points mula sa 18 attacks at dalawang blocks.

Nag-ambag si Chiara Permentilla ng 18 markers at may 21 excellent sets si setter Janel Maraguinot.

Sa unang laro, hinataw ng Farm Fresh ang ikalawang dikit na panalo matapos walisin ang Cignal, 25-19, 25-20, 25-16, sa Pool A.

Bumira si three-time PVL Best Opposite hitter Trisha Tubu ng 21 points para sa 2-0 kartada ng Foxies, habang nalimitahan si Belgian import Eli Rousseaux sa 16 markers.

Unang pumalo si Rousseaux ng tournament high 38 points sa kanilang 22-25, 25-23, 25-19, 25-21 pagtakas sa Nxled Chameleons.

Nag-ambag si Ces Molina ng 11 points at tumipa si Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy ng 24 excellent sets.

Umiskor si Greek import Eva Chantava ng 13 points para sa Super Spikers na laglag sa 0-2 marka.

May sakit si coach Shaq delos Santos, samantalang may arm injury si ace spiker Vanie Gandler.