October 19, 2025 | 12:00am
Kapwa senior citizen na sina Marissa Postre, 68 anyos, at Janet H. Chang, 73 anyos, na inabutan na ng pagtanda sa pagiging overseas Filipino worker. Kabilang sila sa mga OFW na naging senior citizen na sa paninirahan at pagtatrabaho sa ibayong-dagat. Pareho sila na isang amo lang ang pinaglingkuran bilang domestic worker doon na kanilang ginampanan para sa magandang kinabukasan ng kanilang pamilya.
Ayon sa isang ulat ni Manuel Almario sa Gulf News, kahit mahigit nang 60 anyos si Marissa ay gumigising pa rin ito nang maaga, nagluluto, naglilinis at nag-aalaga sa tatlong lumalaking bata sa isang bahay sa Dubai, United Arab Emirates.
Nabatid na hindi naging bago kay Marissa ang pamilyang pinagtatrabahuhan niya sa Dubai mula noong 2009. Dati siyang yaya ng amo niyang babae na si Crishelle Berdin noong pitong taong gulang pa lamang ito nang magtrabaho siya bilang katulong sa pamilya nito noong 1981 sa Las Piñas dito sa Pilipinas. Pagkaraan ng ilang taon, naninirahan na si Crishelle sa Dubai nang imbitahan siya nitong magtrabaho sa kanya sa naturang bansa para mag-alaga sa mga anak nito. Mula noon o sa loob ng 16 na taon na sa kasalukuyan, naglilingkod pa rin siya sa pamilya ni Crishelle sa UAE.
“Pamilya ang turing nila sa akin,” pagmamalaking patungkol ni Marissa na trato sa kanya nina Crishelle. Ipinanganak na mahirap si Marissa sa isang pamilyang magsasaka sa Camarines Sur. Noon ngang 1981, nagtrabaho siya sa pamilya ni Crishelle sa Las Piñas. Habang nagtatrabaho rito, nabuntis siya ng isang lalake na iniwanan din siya kinalaunan. Mag-isa niyang itinaguyod ang anak niyang si Charleen. Hindi siya nagdi-‘dayoff’. Mahalaga sa kanya ang bawat sentimo dahil gusto niyang mapag-aral ang kanyang anak.
Pagkaraan ng ilang taon, nagtapos si Charleen ng computer secretarial at nagtatrabaho na bilang cleaner sa Abu Dhabi (sa UAE). Hindi isang diploma lang ang kanyang tagumpay, sabi sa Gulf News. Salamin ito ng determinasyon ng isang ina, bunga ng buhay na nabuo sa pagsisikap at pagtitiis.
Sa kabila ng dinaanang mga hirap, walang iniinom na gamot o maintenance si Marissa. Kumakain lang siya ng mga gulay, prutas at kalabasa. Nagsu-‘zumba’ at nagka-‘karaoke’ siya para laging buhay ang kanyang diwa.
“Malakas ako at nagpapasalamat ako sa Diyos araw-araw…,” wika ni Marissa na ipinagpapasalamat sa kanyang pamilya sa Dubai ang kanyang kalusugan at kaligayahan. Suportado siya ng mga amo niya sa hilig niya sa mga damit na gawa sa mga recycled material na malimit maitanghal sa iba’t ibang kaganapan sa naturang bansa.
Namuhunan din si Marissa sa limang lote sa Bicol, nakapagpatayo ng bahay para sa kanyang pamilya at nagseguro sa pangarap na kinabukasan. Payo niya sa ibang mga OFW, “huwag mag-aksaya ng pera. Mag-impok. Magtakda ng layunin. Tulungan ang pamilya ninyo. Mahalin ang mga anak ninyo. Isang araw, pasasalamatan nila kayo at magiging napakahalaga ng lahat.”
Samantala, 40 taon nang naninilbihan bilang domestic worker si Janet sa pamilyang Al Athel sa Riyadh, Saudi Arabia na itinuring din siyang kapamilya.
Unang dumating si Janet sa Saudi Arabia noong Nobyembre 1981 dahil naudyukan siya ng mga kuwento hinggil sa buhay ng mga OFW sa ibayong-dagat. Atubili siya noon na iwanan ang kanyang mga maliliit na anak pero nangibabaw ang hangarin niyang mabigyan niya ng magandang kinabukasan ang mga ito.
Nabatid na nagtapos si Janet ng Medical Technology noong nasa Pilipinas pa siya pero hindi lisensiyado.
Una niyang nagtrabaho rito ang clerk, secretary, executive secretary.
Pero sa Saudi Arabia, sa pagtatrabaho niya sa pamilyang Saudi, naiiba ang papel niya. Una siyang naging yaya ng mga bata bago siya itinalagang mamuno sa household staff. Hawak na niya ang trabaho bilang Household manager sa Al Athel Palace na nangangasiwa sa araw-araw na operasyon at tumitiyak na nagagampanan ng bawat domestic staff ang kanilang responsibilidad.
Ayon sa ulat, namumukod-tangi ang nabuong pakikipagrelasyon ni Janet sa kanyang amo. “Pinakatampok sa trabaho ko iyong anim na bata ang napalaki ko at hinubog ko silang maging mabuting tao- mapagmahal, merong malasakit at maunawain,” wika niya. Isa sa mga batang ito ay isa na anyang prinsesa sa Riyadh. “Mama ang tawag nila sa akin at tinatrato ako ng pamilya na parang kamag-anak nila.”
Malalaki na rin at matatagumpay ang sariling mga anak ni Janet.
Binabalak niya balang araw na makapagpatayo ng sarili niyang salon o bakery at lumahok sa mga programa para sa mga senior citizen.
“Kapag na-ngibang-bansa ka, kailangang marami kang pasensiya at pagtitiyaga.
Una sa lahat, magtiwala sa Diyos sa ano mang ginagawa mo,” payo ni Janet sa kapwa mga OFW.
* * * * * * * * * * *
Email- [email protected]