Pilipino Star Ngayon
October 18, 2025 | 5:25pm
MANILA, Philippines — Tututok ang Alas Pilipinas national beach volleyball teams sa darating na 33rd Southeast Asian Games sa Thailand sa Disyembre.
Ang eksperyensa ng Nationals, sa pamumuno nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons, sa Volleyball World Beach Pro Tour Challenge ang gagamitin nila sa pagsabak sa biennial event na nakatakda sa Disyembre 12 hanggang 19 sa Huamark Sports Complex sa Bangkok.
Sina Rondina at Pons ang kauna-unahang Philippine pair — lalaki o babae — na nanalo ng laro sa Challenge at nakasampa sa Round of 24.
Sinabi ni Alas Pilipinas’s Brazilian head coach Joao “Kioday” Luciano Simao Barbosa na ilan sa mga pares na ikukunsidera sa Thailand SEA Games ay sina Sunny Villapando at Dij Rodriguez, Jenny Gaviola at Alexa Polidario at Kly Orillaneda at Gen Eslapor sa women’s squad.
Ang mga men candidates ay sina Cambodia 2023 Southeast Asian Games bronze medalists James Buytrago at Ran Abdilla, Ronniel Rosales at Rancel Vergara at Edwin Tolentino at Larry John Francisco.
Ang bawat bansa ay maaaring magsabak ng dalawang koponan sa Thailand SEA Games.
Ayon kay Alas Pilipinas beach volleyball team manager Cherry Macatangay, ang lahat ng pares ay mananatili sa Nuvali Sand Courts by Ayala Land sa Santa Rosa City para paghandaan ang Thailand SEA Games.
“We’re ready anytime if chosen for the SEA Games,” wika ni Gaviola. “We’ll determine what adjustments to make.”
Patuloy na nagdodomina sa SEA Games beach volley ang Thailand at Indonesia.
May tig-walong gold medals ang mga Thais at Indonesians sa women at men division, ayon sa pagkakasunod.
Anim na bronze medals naman ang nakamit ng bansa sa dalawang kategorya.
