Bubot na Bayabas (94) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 19, 2025 | 12:00am

NABIGLA si Apol sa ginawa ni Guava na paghalik sa kanya—hindi sa pisngi kundi sa labi!

Ang lambot ng mga labi ni Guava. Unang pagkaka­taon na nadampian ng mga labi ang mga labi ni Apol.

Naghatid ng kuryente ang paghalik ni Guava. Nanulay iyon sa buong katawan ni Apol. Napa­kasarap ng halik ni Guava.

Ginantihan ni Apol ang paghalik ni Guava. Inilapat niya ang mga labi sa mamasa-masang labi ni Guava.

Ang kasunod niyon ay ang kanilang mainit na paghahalikan. Pakiramdam ni Apol, nagbabaga ang kanyang mga labi. Kakaiba ang kanyang naramdaman ng maglapat ang kani-kanilang mga labi. Mga 30 segundo kaya ang itinagal niyon? Pakiramdam ni Apol, matagal ang kanilang paghahalikan.

Nang kumalas sila sa isa’t isa, naghabol sila ng hininga. Nagkatitigan. At nagkangitian.

“Sorry Guava.”

“Ba’t ka nagso-sorry?”

“Natangay ako.”

“Hinalikan kita dahil ­gusto kong magpasalamat at bukod dun, mahal kita.”

Napamaang si Apol sa narinig kay Guava. Mahal daw siya nito.

Hindi na rin napigilan ni Apol ang sarili.

“Mahal din kita, Guava!”

Si Guava naman ang natigilan.

Nagpatuloy sa pagsasalita si Apol.

“Nun pang una kitang makita sa Ayala Avenue, pinangarap na kita, Guava. Noon pa, kakaibang damdamin na ang iniukol ko sa iyo.”

Hindi pa rin makapagsalita si Guava pero sa mga mata niya ay kitang-kita ang hindi maipaliwanag na kaligayahan.

“Mahal na mahal kita Guava!” sabi ni Apol at niyakap si Guava.

Naghalikan muli sila. Mas mainit kaysa sa una. Mahal nila ang isa’t isa.

(Itutuloy)