September 28, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nagliyab sa opensa si Faida Bakanke matapos itaguyod ang Far Eastern University sa 25-22, 25-17, 25-16 panalo kontra Arellano University sa 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na nilaro sa Playtime FilOil Centre sa San Juan kahapon.
Tumikada si Congolese student-athlete Bakanke ng game-high 15 points mula sa 13 attacks at dalawang blocks upang tulungan ang Lady Tamaraws na ilista ang malinis na dalawang panalo at hawakan ang solo liderato sa Pool B.
Nakabaon ng anim na puntos sa third set, pinamunuan ni Bakanke ang atake ng Lady Tams upang habulin ang Lady Chiefs at tapusin ang laro sa event na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
“We had a slow start and Ate Tin (Ubaldo) told us we should move and give our best. She told us to follow the instructions our coaches gave us on how to spike and do everything,” ani Bakanke, ang SSL National Invitationals Batangas Leg Best Player.
Nag-ambag si Gerzel Petallo ng pitong puntos, lima naman ang tinulong ni Mitzi Panangin para sa FEU sa tournament na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel- Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.
Tumulong din sa puntusan para sa Lady Tamaraws sina Cla Loresco, La David at Alyzza Devosora ng tig-apat na puntos.
Samantala, winalis ng Ateneo de Manila University sa tatlong sets ang University of Perpetual Help, 25-16, 26-24, 25-17, sa ikalawang laro.
Pinamunuan ni Faye Nisperos ang opensa para sa Blue Eagles, nilista nito ang 13 points upang tulungan ang koponan na ilista ang 1-0 karta at hawakan ang tuktok ng Pool D.
“Naniwala lang kami sa selves namin and sa teammates namin. Tiwala lang ang ginawa na namin,” ani Nisperos.
Tumapos ng third place sa SSL National Invitationals Cebu Leg, napalaban ng todo ang Ateneo sa dulo ng second set kung saan ay nagtabla ang iskor.
Subalit nanatili ang tikas ng Blue Eagles at naitakas ang panalo.
