Eala papalo sa doubles ng Guangzhou Open


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 20, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Muling sasalang sa panibagong bakbakan si Pinay netter Alex Eala sa pagkakataong ito sa Guangzhou Open na gaganapin sa Nansha International Tennis Center sa Guangzhou, China.

Sisimulan ni Eala ang kampanya nito sa doubles event kung saan makakapares ng 20-anyos ang beteranong Ukrainian netter na si Nadiaa Kichenok.

Mapapalaban agad sina Eala at Kichenok dahil haharapin ng dalawa sina fourth seeds Emily Appleton ng Great Britain at Qianhui Tang ng China sa opening round.

Nakatakda ang bakba­kan sa alas-10 ngayong umaga kung saan ang mananaig ay aabante sa quarterfinals.

Target ni Eala na maputol ang losing streak nito sa WTA Tour.

Galing si Eala sa masaklap na 1-6, 2-6 kabiguan sa kamay ni Tereza Valentova ng Czech Republic sa Japan Open na ginanap sa Osaka, Japan.

Bago ang Japan Open, natalo rin si Eala sa first round ng qualifying tournament ng Wuhan Open sa China.

Kaya naman inaasa­hang ilalabas ni Eala ang buong lakas nito upang magkaroon ng magandang kampanya sa Guangzhou Open.

Matikas ang kapares ni Eala sa doubles dahil sanay itong maglaro sa naturang event.

Sa katunayan, mayroon itong 11 titulo sa doubles.

Nakaabot pa ito sa No. 29 sa women’s doubles ranking ng WTA.

Galing din si Kichenok sa kampanya sa Japan Open.

Kapares nito si Makoto Ninomiya ng Japan kung saan umabot ang dalawa sa semifinals.