Suwerte ng Blazers tinapos ng Chiefs


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 20, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nagpasabog si T-Mc Ongotan ng game-high 28 points sa pag-akay sa Arellano University sa 72-67 pagtakas sa College of St. Benilde sa crossover eliminations ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.

Tumipa rin si Ongotan ng apat na steals at tatlong rebounds sa pagbangon ng Chiefs mula sa pagkatalo sa Emilio Aguinaldo College Generals para itaas ang baraha sa 3-3 sa Group A.

Nagwakas ang tatlong sunod na ratsada ng Bla­zers, ang Season 100 runner-up, para sa 3-2 record sa Group B.

Ang krusyal na three-point play ni Ongotan ang nagbigay sa Arellano ng 71-67 kalamangan sa huling 33.1 segundo.

Bigo naman sina Justine Sanchez at Shawn Unali sa kanilang mga tangka sa three-point line sa posesyon ng St. Benilde.

Sa unang laro, pinadapa ng EAC ang San Sebastian College-Recoletos, 86-71, para sa kanilang back-to-back wins.

Kumolekta si center Wilmar Oftana ng 18 points at 10 rebounds at nag-ambag si Jude Bagay ng 17 mar­kers para sa 3-3 marka ng Generals sa Group B katabla ang Letran Knights at Jose Rizal Heavy Bom­bers.

Nalasap ng Golden Stags ang ikatlong dikit na kamalasan para sa 1-5 kartada sa Group A.