Valdez tinitingala ng mga teammates


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 20, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Isa si team captain Alyssa Valdez sa mga pioneer sa Creamline Cool Smashers na humakot na ng kaliwa’t kanang korona sa Premier Volleyball League (PVL).

Kaya naman mataas ang respeto ng kanilang mga teammates sa loob at labas ng court.

Madalas na nakikita sa huddle na nagsasalita si Valdez upang palakasin ang loob ng bawat isang miyembro ng kanilang tropa lalo pa sa mga krusyal na sandali ng laban.

Kaya’t masaya ang Cool Smashers na magkaroon ng isang leader sa kanyang team.

Masaya rin si Valdez dahil naibabahagi nito ang kan­yang kaalaman sa mga teammates nito.

Isa sa mga bentahe ng Cool Smashers ang matagal nitong pagsasama-sama bilang isang team.

Dahil dito, buo ang chemistry ng tropa na isa sa mga naging armas nito sa kanilang sunud-sunod na kam­peonato sa liga.

“Open yung communication namin and hopefully magtuluy-tuloy lang siya para mas lalo pang gumanda yung samahan namin sa team,” ani Valdez.

Hangad ng Creamline na madepensahan ang kanilang korona sa PVL Reinforced Conference kasama ang bagong import na si outside hitter Courtney Schwan.