ZUS Coffee susukatan ng Creamline


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 23, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Masusubukan ang ZUS Coffee sa pagsagupa sa nagdedepensang Creamline sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.

Target ang ikatlong sunod na panalo, lalabanan ng Thunderbelles (2-0) ang Cool Smashers (2-1) ngayong alas-6:30 ng gabi sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.

Magkasunod na tinalo ng ZUS Coffee ang Chery Tiggo, 25-15, 19-25, 25-20, 25-23, at ang Galeries Tower, 25-22, 25-16, 25-16, sa Pool B.

“Siyempre, kapag nan­diyan na sila, doon lalabas lahat ng hinahanap,” ani coach Jerry Yee sa pagsagupa nila sa mga top teams. “So hopefully, hindi masyadong marami or hopefully ma-overcome natin sa first meetings.”

Dinomina naman ng Creamline ang Galeries Tower, 25-9, 25-11, 25-15, matapos ang 25-20, 25-21, 17-25, 25-20 pagdaig sa Petro Gazz.

Muling ipaparada ng Thunderbelles sina American import Anne DeBeer, Jovelyn Gonzaga, Riza Nogales, Kate Santiago, Fiola Ceballos at rookie AC Miner.

Itatapat ng Cool Sma­shers sina American reinforcement Coco Schwan, Alyssa Valdez, Michele Gumabao, Tots Carlos, Pangs Panaga, Michele Gamit at Kyle Negrito.

Sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon magtutuos ang Chery Tiggo (0-3) at Galeries Tower (0-3) kasunod ang bakbakan ng Akari (2-0) at Petro Gazz (2-1) sa alas-4 ng hapon.